PHILIPPINE MYTHOLOGY
From the Land of Bicol
Noong unang panahon, nang ang mundo ay bata pa at ang mga diyos ng kabutihan at kasamaan ay magkaibigan pa, ay may dalawang diyos na naninirahan sa mga bundok ng Bicol. Si Gugurang, ang mabuting diyos, ay nakaatira sa Mt. Mayon, at si Asuang naman, ang masamang diyos, ay nakatira sa katabi nitong bundok, ang Mt. Malinao. Ang dalawang ito ay magkasundo at, ayon pa nga sa ibang alamat, sila ay magkapatid.
Gayunpaman, mas makapangyarihan si Gugurang kaysa kay Asuang. Si Gugurang din ang binigyan ng Dakilang Diyos ng kapangyarihan na mamuno sa mga tao kaya’t sa kaniya nagdarasal at nag-aalay ang mga tao noon. Ayon sa alamat, kapag nagkakasala ang mga tao at nakakalimot ay pinapayanig niya at kung minsan, ay pinapasabog niya ang Bulkang Mayon upang matauhan ang mga tao.
Samantala, si Asuang ay walang apoy sa kaniyang tahanan. Nainggit siya sa kapangyarihan ni Gugurang, gusto niyang maging katulad nito. Gusto niyang magkaroon ng apoy para kapag nagagalit siya sa mga tao ay masusunog niya ang mga ito.
So, isang araw ay lumapit siya kay Gugurang upang pakiusapan na bigyan siya ng apoy.
Mariin na tumanggi si Gugurang sa kahilingan ni Asuang.

“Isang paglapastangan ang iyong paghingi ng apoy ko. Hindi mo ba alam na kung makamtan ng kasamaan ang apoy ay masusunog ang buong mundo?”
“Iingatan ko naman, ” sagot ni Asuang.
Natawa si Gugurang sa sagot ni Asuang, “Iingatan mo? Ha! Kung ako mismo ay nahihirapang kontrolin ang apoy, ikaw pa kaya?”
“Teka, bakit ba kasi sayo pinagkatiwala ang apoy?” tanong ni Asuang kay Gugurang.
“Hindi ko kalooban na ipagkatiwala ang apoy sa akin. Ito ay kalooban ng Diyos. Hindi natin dapat kuwestyunin ang kalooban ng Panginoon.”
Naisipan ni Asuang na magpaawa-epek. “Ngunit paparating na ang tag-ulan kaya’t kailangan ko ng apoy para hindi lamigin.”
Ngunit hindi nakaalpas ang palusot ni Asuang, “Sus, ang tagal-tagal mo nang naninirahan diyan na walang apoy! Kahit nga ang mga taong tagasunod mo ay wala ring apoy.”
“Di ba panahon na parang bigyan mo sila ng apoy?”
Nagalit na talaga si Gugurang sa kakulitan ni Asuang. “Ano ba ang sinasabi mo? Hindi pa sila handa para tumanggap ng apoy! Dapat silang maging karapat-dapat muna!”
“Ako ba ay hindi pa karapat-dapat? Diyos din naman ako.”
“Ikaw? Ang tamad-tamad mo! Tingnan mo nga ang bundok mo. Ni hindi mo nga ito mapaganda. Tingnan mo naman ang bundok ko, ang Mt. Mayon, na siyang pinakamaganda sa buong mundo!”
Kahit anong gawin ni Asuang na pangangatwiran ay hindi nakalusot kay Gugurang. Ayaw talaga nitong bigyan ng apoy si Asuang.
Sa galit ni Asuang ay bigla itong naging inbisibol. Biglang naglaho! Pffft!
Laking gulat ni Gugurang nang biglang naglaho si Asuang sa gitna ng kanilang pagtatalo. Ngayon lang niya nalaman na may ganito palang kapangyarihan si Asuang.
“Tandaan mo ito,” sabi ng tinig ni Asuang, “ipinapangako ko sa iyo na simula ngayon ay magiging kalaban mo na ako sa lahat ng bagay! At ipinapangako ko sa iyo na mapapasaakin din ang apoy balang araw!”

“Subukan mo lang,” sagot ni Gugurang, “at hahatiin ko sa dalawa iyang bundok mo.”
Tinawag at tinipon ni Asuang ang lahat ng masasamang espiritu upang kalabanin si Gugurang. Pinakalat niya ang mga masasamang espiritu na ito sa lupain nila upang maging masama ang mga tao. Hindi nagtagal ay tumindi ang imoralidad at kriminalidad sa mga bayan dahil sa pagkalat ng mga masasamang espiritu.
Nalaman ni Gugurang na si Asuang ang may kagagawan ng paglaganap ng kasamaan sa kanilang lupain. Kaya’t upang talikuran ng mga tao ang kasamaan, inutusan niya ang mga ito na mag-alay sa kaniya. Ngunit ayaw na nilang makinig.
Sapagkat alam ni Gugurang ang pinakalayunin ni Asuang, nagtalaga siya ng mga bantay upang pangalagaan ang apoy.
Ngunit nalaman ito ni Asuang at lihim nitong kinausap ang mga bantay at pinangakuan ng ginto kung papayagan nila siya na makapasok. Kaya’t di nagtagal ay nakapasok si Asuang sa bundok ng Mayon at natunton ang kinalalagyan ng apoy. Ito ay kaniyang kinuha at inilagay niya sa isang bao ng niyog.

Sa pagkakataong iyon ay biglang nagdilim sa loob ng bundok at may isang malakas panaghoy ang lumabas mula sa kailalaliman ng bundok. Kaya’t nalaman kaagad ni Gugurang na may nagnakaw ng apoy.
Samantala, sa labas ay nagkaroon ng malaking sunog dahil sa lahat ng baryong daanan ni Asuang ay nasunog.
Hindi dapat makarating si Asuang sa kaniyang bundok at makaupo sa kaniyang luklukan na hawak ang apoy sapagkat kapag nangyari iyon ay mapapasailalim si Gugurang sa kapangyarihan ng masamang diyos.
Kaya’t agad na tinugis ni Gugurang si Asuang upang bawiin ang apoy bago ito makarating sa kaniyang tahanan. At nagkaroon sila ng labanan sa kalawakan.

Nang si Asuang ay malapit na sa kaniyang luklukan, inabutan naman siya ni Gugurang at, pagkatapos ng kanilang paglalaban, ay nakuhang muli ni Gugurang ang apoy. Pagkatapos ay si Gugurang naman ang naging inbisibol.
Sinubukan din ni Asuang na maging inbisibol muli ngunit hindi na niya kaya ito. Tila humina ang kaniyang kapangyarihan.
Mabilis na bumalik si Gugurang sa kaniyang bundok at ibinalik ang apoy sa lagyanan. Muling nagliwanag sa loob ng bundok.
Pagkatapos ay hinarap niya ang mga bayan upang patigilin ang kumakalat na apoy. Tinawag niya ang ulan upang ito maapula.

Ang lahat ng ito ay nasaksihan ng mga taong-bayan kaya’t natakot din sila kay Gugurang dahil sa taglay niyang kapangyarihan. Bilang pasasalamat at pagbibigay-pugay sa kaniya, sila ay nag-alay kay Gugurang.
Pagkatapos niyang patigilin ang apoy ay pinarusahan naman ni Gugurang ang mga bantay na nagtaksil sa kaniya. Kaniyang kinadena ang mga ito sa banging-malalim.
Tinawag niya si Linti (kidlat) at Dalogdog (kulog) upang parusahan ang Mount Malinao at si Asuang.
Sinubukan pa rin ni Asuang na makalusot sa pamamagitan ng pag-alok ng suhol kina Linti at Dalogdog ngunit narinig ito ni Gugurang kaya’t siya mismo ang naghagis ng kulog at kidlat kay Asuang at sa tirahan nitong bundok.
Sa isang iglap ay nahati ang Mount Molinao (kaya ngayon ay makikita na may biyak ang bundok na ito)!

Akala ng mga tao ay namatay si Asuang ngunit hindi pala sapagkat hanggang ngayon ay nararamdaman nila ang impluwensiya ng kaniyang kasamaan sa mundo.
Gayundin, may mga tao na nakakuha ng baga ng apoy ni Gugurang sapagkat nang ninakaw ito ni Asuang ay kumalat ang ilang baga nito sa mga bayang kaniyang dinaanan kaya’t ito marahil ang dahilan kung bakit may ilang tao sa mundo na matuturing natin na masama.
(Note: This story is a mythology. Please do not take this story literally.)
The artworks used in this post are by William Blake. Photo of Mayon Volcano by Sir Mervs (Creative Commons Attribution 2.0) Photo of Mount Malinao by Chris Newhall (U.S. Geological Survey)