Hindi ko akalain na sa Bohol pala ay may isang chocolate house na ang may-ari ay nag-aral ng paggawa ng chocolate sa Belgium kung saan matatagpuan ang mga de-kalidad at masasarap na mga tsokolate.
Nakaka-proud ang kwento ng pamilya ni Dalareich at lalong nakaka-proud ang ginawa ni Dalareich para mapalago ang kanilang negosyo.
Si Dalareich ay tubong-Bohol at lumaki sa hirap. Ang ama niya ay isang tricycle driver at ang ina naman ay dating taga-walis sa kalsada. Lima silang magkakapatid na iginapang ng magulang upang makatapos ng pag-aaral.
Dahil sa kahirapan, bukod sa pagwawalis ng kalsada ay naisipan ng ina na gumawa ng mga tableya ng tsokolate upang ilako sa kanilang lugar at magkaroon ng extra income para mapag-aral ang mga anak. Si Dalareich ang nakatoka na maglako ng panindang ito.
Napamahal kay Dalareich ang negosyong ito kaya’t nagpursige ang bata na ito ay mapalago. Sumali siya sa isang training ukol sa pagnenegosyo na isinagawa sa kanilang bayan. Sa training na ito ay isinali niya sa kompetisyon ang kaniyang plano para sa negosyo. Sa galing ng kaniyang business plan ay nanalo si Dalareich sa kompetisyon na ito at nakatanggap ng financial grant. Ginamit niya ito para makabili ng sasakyan para sa kanilang business. Dito nagsimula ang paglago ng Dalareich Chocolate House.
Hanga ako sa determinasyon ng batang ito at talagang hindi siya tumitigil upang paunlarin ang kaniyang kaalaman ukol sa paggawa ng tsokolate. Nabigya siya ng isang scholarship upang pag-aralan ang paggawa ng chocolate sa Ghent University sa Belgium!
Nitong 2019 ay nakatanggap ang Dalareich Chocolate House ng Gold mula sa pinagpipitagang London-based Academy of Chocolate Awards.
Hindi lamang negosyo nila ang natulungan ni Dalareich. Tinutulungan din niya ang mga may tanim ng cacao sa kanilang bayan sa ilalim ng kanilang programa na tinatawag na “Adopt a Cacao Tree and Preserve’s Bohol Cacao Heritage”.
Dalareich’s vision: To be the best chocolate maker and put the Philippines, especially Bohol to the World’s Chocolate Map.
Their mission statement: To produce world-class chocolates made from the highest quality and locally sourced cacao through education, innovation, and sustainable production.
Reference: Dalareich Chocolate House Ginto sa Tsokolate, Rated Korina YouTube channel (see below to watch the video)