In Order to Live, A North Korean Girl’s Journey to Freedom
by Yeonmi Park with Maryanne Vollers
Maaari din na mapakinggan o mapanood ang review na ito sa Youtube.
Ang aklat na ito ay tungkol sa totoong buhay ni Yeonmi Park, isang taga-North Korea na tumakas sa bansang ito noong 2006 patungong China.
Ang istorya ni Yeonmi Park at ng kaniyang pamilya sa North Korea, isang bansang komunista, ay puno ng pasakit at pagsubok. Ngunit sa likod din naman ng sinapit nilang kadalamhatian ay naroon din ang pag-asa ng pagbabago.
Sinimulan ni Yeonmi Park ang kaniyang kwento sa gabi ng kanilang pagtakas mula sa kaniyang probinsiya patawid ng Yalu River patungong China. Trese anyos lamang sya noon at payat na payat dahil sa gutom na dinanas nila sa North Korea. Bukod sa payat na payat siya, bagong opera din siya noon. Isang linggo pa lamang ang lumilipas nang sya ay naoperahan dahil sa akala ng doktor siya ay May appendicitis. Kaya’t nanlalambot pa siya noon at madalas madapa.
May kasama sila noon na isang guide sa pagtakas, ito ay isang North Korean smuggler at ang sinasmuggle niya ay kaniyang mga kababayan na gustong tumakas mula North Korea Gaya nila Yeonmi Park at kaniyang ina. Sinuhulan ng kanilang guide ang bantay sa border ng gabing iyon sapagkat kung hindi ay tiyak na babarilin sila o kaya ay ikukulong sila kung sila ay mahuli. Para Kay Yeonmi, mas maigi pang mamatay kesa mahuli sila at ikulong sa labor camp sapagkat alam nila na pinahihirapan ng husto o tinotorture ang mga kinukulong doon.
Ilang Larawan ng North Korea





Nang tumakas sila Yeonmi at kaniyang ina, hindi naman kalayaan ang pakay nila. Sabi ni Yeonmi ni hindi nga niya alam ang kahulugan ng kalayaan nang mga panahong iyon. Hindi naman itinuro sa kanila iyon, wala sa dictionary nila any ganyang mga salita upang hindi matanim sa isip nila ang ganyang mga ideals. At isa pa ang itinuro sa kanila ay ang North Korea ay isang paraiso, sabi ng kanilang pinuno, and North Korea diumano ay perfect socialist paradise at sila ay kinaiingitan ng buong mundo. Sa mahabang panahon ay ito ang pinaniniwalaan nila Yeonmi Park.
Kaya lamang nila na pagdesisyunan tumakas ay dahil sa sobrang kagutuman. Alam nila na mamatay sila sa gutom at kahirapan kung hindi sila aalis.
Ipinanganak si Yeonmi Park noong 1993. Nang mga panahong iyon at maging hanggang sa kasalukuyan, ang North Korea ay nakakararanas ng tag-gutom. Ang mga araw na kung kelan sila ay nirarasyunan ng gobyerno ng pagkain ay nakalipas na nang ipinangank si Yeonmi Park.
Bilang isang komunistang bansa, ang gobyerno mismo ang dapat ang nagbibigay ng pagkain, libreng pag-aaral, at libreng medisina sa kaniyang mga mamamayan. Nang una ay ganito naman ang ginagawa ng North Korea, lalo nang mga 1960s hanggang 1980s. Ngunit nang matapos ang Cold War noong kalagitnaan ng 1980s at pagkatapos ay nabuwag ang komunismo sa ibang estado gaya ng USSR, na siyang sumusuporta sa North Korea, unti-unting nakaranas ng kagutuman sa bansang North Korea na hanggang ngayon ay nananatiling isang komunistang bansa at nakahiwalay sa kapatid nitong pinagmulan ng K-Pop, ang South Korea.
Propaganda
Pangkaraniwan nga daw na makakita ka ng bangkay sa kalsada o kaya ay maririnig mo ang kapitbahay mo na pumapalahaw ng iyak dahil may namatay sa gutom.
Sa mga gaya natin na lumaki sa bansang malaya, mahirap arukin ang lalim ng desperasyon na naranasan nila Yeonmi Park at iba pang North Koreans. Mahirap maunawaan kung bakit hindi nila magawang lumaban sa kanilang gobyerno.
Isipin mo – paano kung ikaw ay lumaki sa isang bansa na hindi ka tinuruan o hinikayat man lang na ipahayag ang iyong saloobin? Sabi ni Yeonmi Park, ang kabilin-bilinan ng kaniyang ina sa kaniya – wag kang magsasalita ni mag-iisip ng laban sa ating pinuno at sa gobyerno sapagkat maging ang mga insekto at daga ay kaya kang marinig. Isa pa, tinuturing nila na may magical, supernatural, at divine powers ang kanilang pinuno. Diyos ang turing nila sa namumuno sa kanila.
Upang hindi lumabas at makapasok ang katotohanan at matauhan ang mga mamamayan, sarado sa mga banyaga ang bansang North Korea. Walang international media na maaaring makapasok. Wala ring impormasyon na maaaring makalabas maliban sa gustong ipalabas ng gobyerno.
Tanging istasyon ng gobyerno ang maririnig sa radio at mapapanood sa TV. Tanging diyaryo ng gobyerno ang maaaring basahin. Ang lahat ng laman ng radio, TV at babasahin sa North Korea ay pawang propaganda ng gobyerno ang laman upang mapanatili ang paniniwala ng tao sa kanilang pinuno, pamahalaan at Sistema ng pamamahala.
Walang maaaring mangalakal o magnegosyo. Ang mga ari-arian mo, kasama na ang alagang hayop (gaya ng kalabaw o baka) ay itinuturing na pag-aari ng gobyerno at sa anumang oras ay maaari itong bawiin sa iyo.
Wala kang access sa basic goods, sa maayos na medical care at gamot, lalo na kung ikaw ay nakatira sa probinsiya. Ang kuryente ay pabugso-bugso lamang. Sa Pyongyang lamang, ang kanilang kapital, mayroong 24 hours na kuryente.
Sa maliit na kasalanan ay maaari kang makulong sa kanilang labor camp kung saan maaari kang mamatay sa trabaho, sa gutom, o sa torture.
Inilarawan nga ni Yeonmi Park kung paano siya inoperahan sa isang maliit na clinic sa kanilang lugar. Sabi niya, ni hindi nga siya binigyan ng anesthesia, parang pampamanhid lamang ng sugat ang ibinigay sa kaniya. Kaya’t nararamdaman niya ang paghiwa sa kaniya lalo na nang bandang kalagitnaan ng operasyon.
Isang linggo makalipas ang kaniyang operasyon ay kailangan nang tumawid ni Yeonmi Park sa isang ilog upang makarating ng China. Kaya’t nanlalambot pa siya noon.
Bukod kasi sa dinadanas nilang kagutuman, kailangan din nilang hanapin ang kapatid niyang babae na tumakas din habang si Yeonmi Park ay nasa ospital. Sa sobrang pag-aalala ng ina ay nagpasya ito na agad tumakas by hook or by crook.
Lingid sa kanilang kaalaman, may panganib pa ring nag-aabang sa kanila sa China. Sexual abuse and human trafficking. Sila ay nakatakdang ibenta sa mga magsasaka sa China na hindi makahanap ng mapapangasawa. Bukod sa pagiging asawa, ang mga ganitong babae ay nagmimistulang alipin din ng buong pamilya ng magsasaka.
Pag sapit ng China ay nagkahiwalay ang mag-ina. Ang ina ni Yeonmi ay ibenta sa isang magsasaka doon samantalang si Yeonmi Park ay ginawang mistress at empleyado ng kaniyang amo.
Ngunit sadyang matapang ang loob ni Yeonmi Park. Madali rin siyang maka-adjust, kesa nga naman bumalik ng North Korea. Sa maikling panahon ay natuto siyang magsalita ng Chinese kahit paano at nagustuhan siya ng kaniyang amo.
Marahil ay napamahal siya sa kaniyang amo o kaya ay naaawa din sa kaniya, hindi kalaunan ay tinulungan siya ng kaniyang amo na mabawi ang ina at mahanap ang kaniyang ama, na naiwan sa North Korea, upang dalhin din sa China. Kaya muling nagkatagpo ang pamilya, bukod sa kaniyang ate, sa China. Ngunit di kalaunan ay pumanaw din ang kaniyang ama dahil sa cancer.
Bagama’t nakaranas ng kaunting kaginhawan sila Yeonmi Park sa China, mailap pa rin ang pagkakaroon ng buong laya sa kanila. Alam nilang mag-ina na hangga’t naroon sa China at sa ganoong uri ng sitwasyon, hindi sila makakatakas sa peligro. Kaya’t ang pangarap na tuluyang makaalis ng China ay hindi nawala sa puso ni Yeonmi.
Pagkalipas ng ilang taong pagtitiis ay nagkaroon sila ng oportunidad na makatakas. Sila ay tinulungan ng mga Christian missionaries kung paano makakatakas mula China patungong Mongolia.
Kasama ang ilan pang North Koreans, si Yeonmi Park at ang kaniyang ina ay muling hawak-kamay na tumakas at tumawid sa Gobi dessert upang makarating ng Mongolia.
Sa kanilang pagtawid, dumating sila sa punto na tanging bituin sa langit ang naging gabay nila upang makarating sa border ng Mongolia.
Totoong signos ng panibagong buhay ang matagumpay nilang pagtawid sa Gobi dessert patungong Mongolia sapagkat sa tulong ng Mongolian government ay nagkaroon sila ng kontak sa gobyerno ng South Korea na siya namang kumuha sa kanila mula sa Mongolia. Ito na ang simula ng panibagong buhay nila sa South Korea.
Gayunpaman, hindi ito ang katapusan ng mga pagsubok nila sa buhay. Marami pa ring pinagdaanan ang mag-ina sa South Korea, ngunit marami silang natutunan dito. Sa katunayan, dito nagsimulang mag-aral at matuto nang lubos si Yeonmi Park. At dito rin nila natagpuan ang kaniyang kapatid.
Ang kwento ni Yeonmi Park at kung paano nila nalagpasan ang lahat ng pagsubok para makamit ang tunay na kalayaan ay makapigil hininga. Tiyak na hahangaan ninyo si Yeonmi dahil sa kaniyang katatagan, sa kaniyang tapang, at sa pag-asa sa kaniyang puso.
Nakakamanghang sundan ang pagunlad din ng kaisipan at kamalayan ni Yeonmi Park. Mula sa isang bata na ang tanging layunin upang makarating ng China ay upang magkalaman ang tiyan, masasaksihan natin sa kaniyang buhay kung paano nabuksan ang kaniyang isip sa mas matataas na konsepto gaya ng kalayaan, pag-ibig, karunungan, pag-asa, at ang kahalagahan ng indibidwal na buhay at karapatang pantao.
Dahil sa kaniyang dinanas, mababakas mula kay Yeonmi Park ang inner wisdom kung tawagin at ang kalakasan ng human spirit at human intelligence. Mula sa pagiging walang alam na bata, mabilis na natuto si Yeonmi Park at nakatuntong pa sa isang unibersidad sa South Korea at, ngayon, sa United States. Marunong siyang magsalita ng tatlong lenggwahe – Korean, Chinese at English.
Ngayon, si Yeonmi Park ay isang human rights activist at nasa United States upang mag-aral. Siya ay may YouTube channel kung saan doon niya tinatalakay ang mga human rights issues sa kaniyang dating bansa. Pinaglalaban niya ang kalayaan at Karapatan ng kaniyang mga kababayan sa North Korea.
Sa umpisa ng kaniyang aklat, sinabi ni Yeonmi Park na dalawang bagay ang pinagpapasalamat niya sa Diyos. Una na siya ay ipinanganak sa North Korea, at pangalawa, na siya ay nakatakas dito. Ayon sa kaniya, ito ang dalawang bagay na humubog sa kaniya at kaniyang pagkatao at hindi niya ito ipagpapalit sa pagkakaroon ng buhay na pangkaraniwan at mapayapa.
Sa kaniyang paglalakbay, marami siyang nasaksihan na kasamaan ng tao, ngunit marami din siyang nasaksihan na kabutihan.
“I know that it is possible to lose part of your humanity in order to survive. But I also know that the spark of human dignity is never completely extinguished, and that given the oxygen of freedom and the power of love, it can grow again.”
Yeonmi Park, In Order to Live